11 miyembro ng pamilya na dadalo sa kasal, nasawi sa pagsabog sa Afghanistan – Ulat

Image from Deccan ChroniclesImage from Deccan Chronicles

MAYNILA, Pilipinas  –  Nauwi sa isang madugong trahedya ang masaya sanang paglalakbay ng isang pamilya sa Afghanistan matapos silang masabugan ng isang ‘roadside bomb’ nitong Biyernes.

Nasawi kaagad sa pagsabog ang 5 babae, 5 bata at isang lalaki habang malubhang nasugatan din ang 1 babae at 2 pang lalaki.

Ayon sa ulat ng Reuters, naglalakbay umano ang grupo sakay ng isang sasakyan sa probinsiya ng Logar, ilang milya ang layo sa timog na bahagi ng kabisera ng Kabul nang pasabugan ito ng isang malakas na bomba.

Patungo sana sa isang kasalan ang pamilya nang maganap ang madugong insidente.

“All were members of one family. They were going to attend a wedding ceremony,” ani Mohammad Halim Fedayee, ang gobernador ng Logar.

Wala pang grupong lumabas para akuin ang responsibilidad sa trahedya subalit naniniwala ang United Nations (UN) na kagagawan ito ng grupong Taliban na kilala sa paggamit ng mga ‘roadside bomb’ para umatake sa kanilang mga kalaban.

Sa kasalukuyan, bigo pa rin ang lokal na awtoridad na matukoy kung ano ang motibo sa pag-atake.