19-anyos na Kadete ng PMA na Nasawi sa Peptic Ulcer Naiuwi na sa Pamilya; Benepisyo, Siniguro ng Akademya

Public DomainPublic Domain

Naiuwi na sa kanilang bahay sa Cagayan ang bangkay ng kadete ng Philippine Military Academy (PMA) matapos itong mamatay sa  sakit na peptic ulcer nitong Mayo 1.

Ang nasawi ay kinilalang si Cadet Fourth Class Erwin Christian Vergara, 19, na tubong Alcala, Cagayan.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, mula sa PMA si Vergara ay isunugod sa Baguio General Hospital and Medical Center noong Abril 25 at doo’y na-admit hanggang sa bawian ng buhay nitong Mayo 1.

Inihayag ni PMA information officer Lt. Col. Rey Balido na namatay si Vergara nang dahil sa hypovolemic shock o matinding blood loss na nagresulta sa pagdugo ng kanyang tiyan dahil sa peptic ulcer.

Tiniyak naman ni Balido na makatatanggap si Vergara ng kaukulang benepisyo mula sa PMA tulad ng special financial assistance. Ipinaabot naman nito ang pakikidalamhati ng PMA sa pamilya ni Vergara.

Tinanggap ng PMA si Vergara noong Abril 1 sa traditional reception ceremonies at isa sana sa  mga kadeteng bubuo sa PMA Class of 2021.