2 bangkay na natagpuan sa loob ng SUV sa Bulacan, kilala na

Image by Jeffery Hernaez via Twitter/ DZMMImage by Jeffery Hernaez via Twitter/ DZMM

MAYNILA, Pilipinas – May pagkakakilanlan na ang kapulisan sa dalawang bangkay na natagpuan sa loob ng isang abandonadong SUV sa San Jose Del Monte, Bulacan nitong Linggo ng madaling araw.

Inireport ng mga residente sa pulisya ang isang itim na RAV 4 na nakaparada sa isang bahagi ng Quirino Highway matapos mapansing mahigit ilang oras na itong hindi gumagalaw.

Napansin din ang umaagos na dugo umano mula sa loob ng sasakyan kaya naalarma kaagad ang mga nakakita.

Nang buksan ng mga nagrespondeng pulis ang SUV, tumambad sa kanila ang bangkay ng isang babae at isang lalaki na parehong may tama ng bala sa katawan.

Nakaposas din umano at may busal sa bibig ang babae na nakilalang si Midwae Ann del Barrio, 20 anyos. Nakilala rin ang kaniyang kasamahan na si Edgardo Bernardo, 42-anyos at isang negosyante.

Parehong residente ng  Tandang Sora, Quezon City ang dalawang biktima, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.

May natagpuan ding ilang pakete ng shabu at isang listahan sa dashboard na may nakasaad na “Mga Pulis na Tulak.”

Ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose del Monte police, hinala nila na may kinalaman sa sindikato ng ilegal na droga ang nasabing krimen. Pinag-aaralan na rin umano ang nakuhang listahan para magamit ito sa pagresolba sa kaso.