4 na pulis sa Makati, timbog sa ‘hulidap’

Image from  FacebookImage from Facebook

MAYNILA, Pilipinas – Arestado ang apat na pulis-Makati na umano’y sangkot sa ‘hulidap’ ng magkasintahan na kanilang dinukot at tinangkang kikilan ng pera nitong Lunes, ika-8 ng Mayo.

Nakilala ang apat na pulis na sina  PO2 Harley Garcera, PO2 Clarence Maynas, PO1 Tim Santos, at PO1 Jeffrey Cañete na pawang nakatalaga sa lungsod ng Makati.

Napag-alaman sa ulat na sapilitang pinasok ng grupo ang tindahan ng bisikleta ng isang alyas ‘Mark’ at dinukot ito kasama ng kaniyang kasintahan. Humingi umano ang mga pulis ng halagang P400,000 kapalit ng kanilang kalayaan.

“Sinabi ko wala akong ganung kalaking halaga, may pulis nag-offer, sabi kung may sasakyan ka, isangla mo kapalit ng kalayaan mo,” kuwento ng lalaking biktima sa panayam ng ABS-CBN News.

Upang makakalap ng pera, pinalaya umano ang magkasintahan kinabukasan para maisangla ang kotse ng ama ni ‘Mark’.

Bumaba rin sa P250,000 ang napag-usapang halaga at nakuhang magbigay ng biktima ng P100,000 bilang paunang-bayad. Pinagbantaan din umano siyang papatayin ang kaniyang pamilya kapag hindi nakumpleto ang bayad.

Matapos ito ay nagsumbong sa pulis si alyas ‘Mark’ at kaagad ikinasa ang entrapment operation.

Naaresto ng mga operatiba ng  Counter Intelligence Task Force (CITF) ang mga pulis nitong Martes. Nahaharap ang apat na suspek sa kasong robbery at extortion.

Narito naman ang ulat mula sa Balitanghali ng GMA News: