69-anyos na Amerikano, Arestado Matapos Magdala ng Menor de Edad sa Motel sa CDO

Imahe mula sa ANC Facebook PageImahe mula sa ANC Facebook Page

Arestado ang isang 69-anyos na American national nitong Abril 30 ng hapon matapos makatangap ng ulat ang mga pulis na nagcheck-in ito kasama ang isang menor de edad sa isang motel sa Cagayan De Oro.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, ang suspek ay kinilalang si Anthony Bruce Mallet na inaresto ng  mga awtoridad matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na ito’y nag-check in sa motel kasama ang isang 13-anyos na babae.

Ngunit iginiit naman ni Mallet na mag-19 taong gulang na ang babae ngayong taon.

Sa isinagawang imbestigasyon, inamin ng babae na siya’y naglayas sa kanilang bahay sa Bukidnon at naninirahang mag-isa sa Cagayan de Oro.

Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng masusing background investigation kay Mallet upang mabatid kung may iba pa itong kaso ng child abuse sa ibang lugar.

Si Mallet ay kasal sa isang Filipina at nakatira sa Barangay Canitoan sa Cagayan de Oro City.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Cagayan de Oro City police headquarters at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610, o kilala bilang Anti Child Abuse Act.

Samantala ang menor de edad ay nasa kustodiya na ng  Social Welfare Department habang pinaghahahanap ng mga awtoridad ang mga magulang nito.