85-anyos na lalaki patay sa panggugulpi; suspek sariling anak mismo

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Idineklarang dead-on-arival ang isang 85-anyos na lalaki sa Barangay Purag, bayan ng Sinait sa Ilocos Sur matapos itong matagpuang duguan sa loob ng sariling bahay nitong Huwebes ng umaga.

Pinaniniwalaang namatay sa bugbog ang biktima na si  Elpidio Yadao na natagpuang walang malay sa kanilang terrace.

Ang suspek sa naturang krimen ay walang iba kundi ang sariling anak nito na si Nestor Yadao, isang guwardiya.

Ayon kay Police Chief Insp. Reynaldo Mendoza, hepe ng Sinait PNP, umuwi umanong lasing ang suspek sa kanilang bahay at nadatnan ang ama sa terrace. Dinalhan pa umano ng matanda ng pagkain ang suspek ngunit nagalit ito sa hindi pa malamang dahilan.

Nagwala umano ang suspek at maya-maya lang ay narinig na ng mga kapitbahay na humihingi ng tulong ang ama.

Pinaniniwalaang pinukpok ng guwardiya ng matigas na bagay sa ulo  ang biktima dahil sa mga nakitang tatlong bato sa bahay.

Naisugod pa ang matanda sa pagamutan subalit hindi na ito umabot nang buhay.

Sa kasalukuyan ay nakakulong na umano ang suspek.