AFP itinangging may kinalaman ang ISIS sa naganap na pagsabog sa Quiapo

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot ang mga teroristang grupo na ISIS at Maute sa naganap na pagsabog sa Quiapo, Maynila nitong Sabado  na ikinamatay ng 2 katao at ikinasugat ng 6 na iba pa.

Ayon kay AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, wala silang nakikitang koneksiyon ng pagkakasangkot ng ISIS at Maute sa nangyaring pag-atake sa Quiapo na ang pinaniniwalaang tunay na pakay ay isang Muslim na opisyal.

“So far we have not seen any connection between the ISIS or the Maute because the target was an imam,” paliwanag ni Año sa isang pahayag nitong Lunes.

Ganunpaman, hinihintay pa rin nila ang resulta ng pagsisiyasat ng Philippine National Police (PNP) na siyang nangunguna sa imbestigasyon.

“We are waiting for the investigation of the PNP. There are some personalities identified with Maute or the ASG but that doesn’t conclude that an ISIS cell is existing,” dagdag pa ng opisyal.

Matatandaang namatay sa pagsabog ang driver ng Grab taxi na nagdeliver ng package at maging ang taong tumanggap nito.

Sa ipinalabas na pahayag ng ISIS sa kanilang Amaq news agency, inako nito ang pagsabog sa Quiapo at sinabing napatay nila sa naturang pag-atake ang “5 Shiites”.

Subalit hindi naman ito tumugma sa opisyal na ulat sapagkat dalawa lamang ang napatay at ang mga ito ay walang kinalaman sa tinutukoy ng ISIS.