AFP nagbabala sa patuloy na pagkilos ng ISIS sa Pilipinas

Image from Alalam News Network

MAYNILA, Pilipinas  –  Inamin ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroon nang nakapasok na miyembro ng Islamic State o ISIS sa bansa base umano sa intelligence report na kanilang nakalap.

Dahil dito, nagbabala ang AFP sa posibleng pagkilos ng grupo para maghasik umano ng terorismo sa Pilipinas.

Sa ginawang security briefing ng AFP at Defense Department sa Kamara nitong Lunes, sinabi ni Maj. Gen. Felimon Santos Jr., AFP deputy chief of staff for intelligence, na mayroon na umanong walong (8) banyagang terorista na nakapasok kamakailan sa bansa at maaaring kumikilos na ang mga ito.

“There are 8 identified foreign terrorists in the country as of this date. Of this, 3 are Malaysians and 1 Indonesia were monitored with (Isnilon) Hapilon in Lanao Del Sur in March 2017,” ani Santos.

Si Hapilon ang kinikilalang pinuno ng ISIS o Daesh sa Pilipinas at siyang nanguna nang manumpa ang grupo sa ISIS noong nakaraang taon.

“Foreign terrrosists who are Daesh-adherents continue to play a key role in the development and operations of local terror groups,” dagdag pa ng opisyal.

Sa isang hiwalay na panayam naman, kinumpirma ni Western Mindanao Command (Wesmincom) chief Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., na inaasahan nilang hindi bababa sa 1,000 ISIS ang makapasok sa bansa ngayong taon.

“There are reports…that some of around 1,000 Indonesian and Malaysian will come here,” ani Galvez. “For now we have reports on the presence…of Indonesian and Malaysian terrorists.”

Lumabas ang pahayag ng AFP sa kabila ng paggiit nito na walang kinalaman ang ISIS sa naganap na pagsabog sa Quiapo na ikinamatay ng 2 katao kamakailan.