Atty. Bruce Rivera nagbantang maglalabas pa ng ‘mapaminsalang’ ebidensiya vs. VP Leni

Images from Radyo La Verdad 1350/ Bawal ang Pasaway Facebook pages

MAYNILA, Pilipinas – Nagbanta ang isang mahigpit na kritiko ni Vice President Leni Robredo na maglalabas ang kanilang grupo na ilan pang malalakas na ebidensiya na lalong magdidiin sa opisyal sa kasong impeachment na isinampa nila dito.

Ayon kay Atty. Bruce Rivera, tumatayong tagapagsalita ng grupong Impeach Leni Movement, marami pa silang nadiskubre umanong mga kwestiyonableng kasunduan na pinasok ng nakaupong Pangalawang Pangulo.

“We’re in the process of putting in some supplemental allegations because we found several more shady deals,” ani Rivera sa panayam ng ANC.

Ilan umano sa mga ito ay tuluyang magdidiin kay Robredo upang tuluyan na itong mapatalsik sa puwesto.

“The UN speech is not the major reason; it’s just a collateral reason. We have more reasons more damning,” dagdag pa ng abogado na kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang nagsampa ng reklamong impeachment sa Mababang Kapulungan ang grupo ni Rivera kasama sina Atty. Trixie Cruz-Angeles,  Atty. Tom Berenguer, De La Salle professor Antonio Contreras at ilan pang personalidad.

Naipasa na umano ang naturang reklamo sa opisina ni Speaker Pantaleon Alvarez at hinihintay na lamang ang opisyal na endorsement dito ng mga mambabatas.