Babae at lalaki, natagpuang patay sa loob ng sasakyan sa Bulacan

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Wala nang buhay nang matagpuan ang katawan ng isang babae at isang lalaki sa loob ng sasakyan sa San Jose Del Monte, Bulacan nitong Linggo ng umaga, ika-14 ng Mayo.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, wala pang pagkakakilanlan ang pulis sa dalawang biktima na pinaghihinalaang may kinalaman sa ilegal na droga. Natagpuan ang kanilang mga labi sa loob ng itim na Toyota Rav 4 na nakaparada sa may Quirino Highway.

Nakaposas pareho ang dalawang bangkay at may mga tama ng bala sa katawan, habang natagpuan naman sa loob ng sasakyan ang isang listahan na may nakalagay na “Mga Pulis na Tulak” at ilang pakete ng pinaghihinalaang shabu.

Tinatayang nasa edad 30 pataas ang lalaki, nakasuot ng orange na T-shirt at shorts, habang nasa 20 hanggang 25 anyos naman ang babae na nakaitim na pantaas at shorts.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa krimen at inaalam na ng kapulisan kung sangkot sa sindikato nag ilegal na droga ang dalwang biktima.

Source :

ABS-CBN News