Babaeng kasama sa grupong nambugbog sa guwardiya ng isang subdivision, nagpaliwanag na

Images from GMA News/ DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Matapos kumalat sa social media ang video ng pambubugbog sa isang guwardiya ng subdivision sa Bacoor, Cavite, lumabas na ang isa sa grupo para magpaliwanag kung bakit nauwi sa gulo ang kanilang pagtatalo.

Sa panayam ng GMA News kay Alyssa Batallones, ang babaeng nasa video, kapatid niya ang lalaking nakaputi na unang sumapak sa guwardiya.

Sila ang tinutukoy sa post ng Shokoi Sirena, ang nag-upload ng video sa Facebook,  na anak ng dating opisyal ng homeowner’s association sa Citihomes Subdivision sa Brgy. Molino 4 kung saan nangyari ang insidente.

Kuwento ni Batallones, sinisingil sila ng guwardiya ng P10 entrance fee kahit matagal na silang residente sa lugar. Pinapaliwanag umano nila na pinoproseso pa ng sticker subalit ayaw pa rin daw silang papasukin.

Nang paalis na sila, may sinabi raw na masama sa kaniya ang guwardiya kaya nagalit ang kaniyang kuya at bumalik ito saka sinapak ang huli. Makikita rin umano sa video na hinataw ng baton ng guwardiya ang kaniyang kapatid kaya nauwi sa gulo ang pangyayari.

At kung bakit matagal nilang pinigilan ang guwardiya habang nakahiga ito sa kalsada, paliwanag ni Batallones na nais nilang bitiwan nito ang baton para sila makapag-usap nang maayos.

Giit naman ng kampo ng guwardiya, sasampahan nila ng kasong theft at physical injury ang grupo dahil sa pagkuha ng kaniyang wallet at panggugulpi sa kaniya.

Subalit itinanggi ng grupo na kinuha nila ang wallet ng biktima at isinauli na rin umano nila sa opisina ng homeowner’s association ang baton na kanilang inagaw mula dito.