Bagong Teleseryeng ‘Ikaw Lang Ang Iibigin’ ng Kimerald, Matagumpay ang Pilot Week

Imahe mula sa You Tube video ng ABS CBN Entertainment

Makalipas ang ilang mga taon, muling nagkasama sa isang malaking proyekto ang dating magkasintahan at magka-loveteam na sina Gerald Anderson at Kim Chiu para sa pinakabagong teleserye ng Kapamilya Network, ang Ikaw Lang Ang Iibigin.

Matagal na ngang nanabik at inabangan ng Kimerald fans ang muling pagtatambal ng dalawa dahil matatandaang nagkaroon ng gusot sa pagitan ng dalawa nang makarelasyon ni Gerald ang matalik na kaibigan ni Kim na si Maja Salvador. Bukod dito, itinambal sila sa iba pang mga kapareha tulad nina Sarah Geronimo, Arci Munoz, at Bea Alonzo para kay Gerald, at si Xian Lim naman para kay Kim.

Matapos ang matatagumpay na mga teleserye at pelikula, muling nagbalik sa isang teleserye ang dalawa kasama sina Jake Cuenca at Coleen Garcia. Ikalawa na itong pagsasama nina Kim, Gerald at Jake sa isang teleserye, matapos ang Tayong Dalawa. 

“It’s seven years ago nang huli kaming magkasama sa TV and then it feels good to have this kind of project with this kind of theme para ipakita sa mga tao. So, excited kami to inspire a lot of people na gawin din ito. It’s not just a love story, parang sports and lifestyle na rin siya.” turan ni Kim nang tanungin kung anong nararamdaman niya ngayong muling nakatrabaho si Gerald sa isang proyekto.

Sa kauna-unahang pagkakataon, bumida sila sa isang teleserye na ipalalabas mula Lunes hanggang Biyernes sa daytime at hindi sa primetime block. Naging matagumpay ang mga daytime teleserye ng Dos gaya ng Be Careful with my Heart nina Richard Yap at Jodi Sta. Maria, gayundin ang Be My Lady nina Daniel Matsunaga at Erich Gonzales.

Nagbigay rin ng mensahe si Gerald para sa mga nag-aabang na tagahanga at tagasubaybay.

“Masayang-masaya. Excited lang ako na makita ito ng maraming tao kasi pinaghirapan ng maraming tao iyan. Mahirap talagang gawin ang show na iyan, so we’re happy. It’s been one year and ngayon ipapalabas na.”

Hindi pa rin makapaniwala ang dalawa na hanggang ngayon ay matibay pa rin ang Kimerald fans na handa pa ring sumoporta sa kanila.

Napatunayan ito sa pag-arangkada sa ratings ng kanilang pilot week na nagsimula noong Lunes, Mayo 1, 2017 at naging trending sa Twitter at iba pang social media.

Ipinakilala na kaagad sa kuwento ang mga tauhang sina Bianca (Kim Chiu), Gabriel (Gerald Anderson), at Carlos (Jake Cuenca), na mga aspiring triathlete. Dahil lumaking mahirap, nagsumikap sina Gabriel at Bianca upang maabot ang kani-kanilang mga pangarap, habang si Carlos naman ay nakukuha ang kanyang mga naisin dahil lumaking nakaririwasa sa buhay.

Mapapanood ang Ikaw Lang Ang Iibigin tuwing 11:30 ng umaga sa ABS CBN Kapamilya Network, bago mag-It’s Showtime.