Batang babae na mahigit lang isang-taong gulang, minolestiya ng adik

Image from Hasan Naheen

Isang batang babae na edad isang taon at sampung buwan ang nabiktima ng panghahalay ng isang lalaking lulong sa ilegal na droga sa Tondo, Maynila.

Ayon sa Journal Online, agad na dumulog sa himpilan ng pulisya ang 16-anyos na ina ng biktima upang ireklamo ang salarin matapos matuklasan ang nangyari sa anak.

Naganap umano ang pangmomolestiya dakong 9:30 ng gabi noong Huwebes, ika-4 ng Mayo sa GK Compound sa Happy Land sa Tondo, Maynila. Pumasok umano ang isang nagngangalang “Emong” – isang out-of-school youth at kilalang adik sa lugar – sa silid kung saan natutulog ang bata.

Kasalukuyan umanong abala sa gawaing-bahay ang ina ng bata nang pumasok ang suspek sa silid. Narinig ng lola ng bata ang palahaw nito kaya agad na tiningnan ang apo. Nasalubong ng matanda ang suspek na palabas mula sa silid at nagkunwari pa umano ito na nagtataka kung bakit biglang umiyak ang bata.

Nalaman lang nila ang sinapit ng bata nang makita nilang nagdurugo ang ari nito nang palitan nila ng diaper. Nakatakas naman ang 17-taong gulang na suspek na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad.