Beteranong Mang-aawit Richard Reynoso, Pinuna Ang Pagkanta Ni Daniel Padilla Sa Koronasyon Ng Binibining Pilipinas

imahe mula sa Bandera

Usap-usapan ngayon sa social media ang ginawang pamumuna ng beteranong mang-aawit ng Original Pilipino Music o OPM na si Richard Reynoso sa paraan ng pagtatanghal ni Daniel Padilla sa gabi ng koronasyon ng Binibining Pilipinas noong Linggo, Abril 30, 2017 sa Smart Araneta Coliseum, Cubao Quezon City.

Halehalehoys!!! Iba na talaga ang panahon ngayon. Dati, pag kumakanta ka sa ‘beauty pageant’, hinaharana mo ‘yung mga kandidata and make them feel na sila ang pinakamagandang babae at that very moment. Ngayon, mukhang backdrop na lang ang mga kandidata at ‘di na din yata required na nasa tono ka sa pagkanta. Nuba? #binibiningpilipinas2017 #walanamangganyanan #sobrangdismayado #ginawangvideokeangbigdome #ibantalagangayon #wasak #walanabangiba, banat ni Reynoso sa kanyang Facebook post matapos ang panghaharana ni Daniel sa mga kandidata ng Binibining Pilipinas.

Inasahan na ng batikang mang-aawit na maraming tagahanga ni Daniel ang magagalit sa kanyang komento, subalit pinili niyang panindigan ang kanyang mga sinabi at hindi inalintana ang mga batikos sa kanya ng mga tagahangang netizens ng aktor.

“Kung si Karla [Estrada, nanay ni Daniel] nga, may karapatan na mag-comment over newbie and aspiring singers as judge in “It’s Showtime’s Tawag ng Tanghalan,” siguro naman, puwede rin naman akong magbigay ng sarili kong komento,” dagdag pa ni Reynoso.

Kung susuriin ang post ni Reynoso, nagmukhang backdrop o palamuti lamang daw ang mga kandidata sa naging pagtatanghal ni Daniel, na dapat ay kabaligtaran dahil ang mga bida sa panahong iyon ay ang mga binibining kandidata, at kailangang iparamdam sa kanila na sila ang pinakamagagandang babae sa buong Pilipinas. Pinuna rin ni Reynoso ang pagiging sintunado ng aktor.

Nagbitiw naman ng payo ang batikang mang-aawit sa mga nagngingitngit na tagahanga ni Daniel dahil sa kanyang mga tinuran.

“Expected ko na ‘yan. Mga fanatics sila eh. Yung sa akin, personal lang ‘yung kumento ko. Pero kung gusto nila na mas mag-improve pa ang idol nila, dapat open sila for constructive criticisms, ‘yung okay lang na may pumapansin sa hindi magandang performance niya,” paliwanag ni Reynoso.

“It wouldn’t hurt if Daniel would invest in voice lessons and performance workshops,” suhestyon ni Reynoso.

“As a viewer, I really felt so frustrated while I was watching it kasi dati kong ginagawa ‘yun eh. Parang nabalewala ‘yung lahat ng pagod at hirap ko sa pag-rehearse nun’g makita ko yung performance niya.”

Si Richard Reynoso ang nagpatanyag sa mga awiting OPM tulad ng “Hindi Ko Kaya”, “Paminsan-minsan”, “Kahit Sino”, at “Maalaala Mo Pa Rin.”