Bunsong Kapatid ng Los Baños Mayor, Nasawi sa Pamamaril

Image from Guns and Leads Image from Guns and Leads

Nasawi ang nakababatang kapatid ng Mayor ng Los Baños, Laguna matapos tambangan ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo.

Ang biktima ay kinilalang si Ruel Perez, 48-anyos at bunsong kapatid ni Los Baños Mayor Caesar Perez. Dead on arrival na nang isugod sa ospital ang nakababatang Perez.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, galing sa sabungan ang biktima dakong 3:30 ng hapon nitong Mayo 7 nang maganap ang insidente.

Si Ruel ay nakaangkas  sa motorsiklo habang tinatahak nila ang National Road. Dito na sila sinabayan ng dalawang lalaking lulan din ng motorsiklo at doo’y pinaputukan; ayon sa ulat ng ABS CBN.

Base sa aming imbestigasyon, dalawang putok ang naibigay. Doon po sa poste bumangga ‘yung motor na sinasakyan,” ayon kay PO2 Ruperto Lapitan Jr.

Hindi nakilala ang mga salarin na ayon sa mga saksi ay naka-helmet at nakasuot ng itim na jacket. Matapos ang insidente, kaagad tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Sta. Cruz, Laguna.

Hindi pa malinaw ang motibo sa naganap na pamamaril, ayon sa mga awtoridad. Narekober sa insidente ang isang basyo ng kalibre .45 baril.

Paalala ng mga awtoridad na huwag matakot na magbigay ng impormasyon na makatutulong sa kaso dahil handa silang tulungan ito.

Kinondena naman ng  pamilya ni Mayor Perez ang anila’y walang saysay na karahasan. Panawagan din nila’y makipag-ugnayan sa mga awtoridad ang mga makapagbibigay ng impormasyon para sa agarang pagresolba sa krimen.

Nais din ng pamilyang igalang ang kanilang pananahimik  sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.

Nagpapatuloy ang operasyon ng Los Baños PNP sa ikadarakip ng mga salarin.

Source :

ABS CBN, Inquirer