Dalaga hinoldap na, pinahuhubad pa ang branded t-shirt na suot

Image from Guns and Leads

Isang dalaga ang humingi ng saklolo sa mga pulis sa Cagayan de Oro City matapos siyang mabiktima ng panghoholdap.

Ayon sa Bombo Radyo, naganap ang panghoholdap sa loob ng pisonet internet café sa Barangay Carmen sa nasabing lungsod habang naglalaro doon ang 18-taong gulang na biktima na residente ng Sugbongcogon, Misamis Oriental.

Salaysay ng biktima, na itinago sa pangalang “Inday”, tinutukan siya ng patalim ng suspek sa kanyang tagiliran at pinalabas sa internet café. Naglabas din umano ang suspek ng .38 kalibreng baril at kinaladkad sa madilim na bahagi sa di-kalayuan sa internet café.

Tagumpay na nakuha ng suspek ang bag ni Inday na naglalaman ng kanyang cellphone at perang nagkakahalaga ng P2,000.

Pilit din umanong pinahuhubad sa kanya ng lalaki ang suot niyang t-shirt na mamahalin, pero nakatakbo siya at mabilis na humingi ng saklolo sa mga pulis sa isang presinto. Hindi na nakita ang suspek.

Samantala, sinabi ng mga pulis na marami na raw nabibiktima ng panghohldap sa nasabing internet café dahil wala iyong security guard.

 

Source :

Bombo Radyo