Dating pangulong Noynoy Aquino, dapat ring panagutin sa anomalya sa MRT – Solon

Image from PrimerImage from Primer

Nanawagan kay Senadora Grace Poe, tagapangulo ng Senate committee on public services na nagsasagawa ng imbestigasyon sa anomalya sa Metro Rail Transit (MRT), si Anakpawis Rep. Ariel Casilao na panagutin din si dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino.

Sa ulat ng The Daily Tribune, sinabi umano ni Rep. Casilao na si Aquino ay bahagi ng matagal nang pagdurusa ng MRT na matutunton mula sa panahon ng nauna pa kay Joseph Emilio Abaya na si Mar Roxas bilang Department of Transportation and Communications (DOTC) secretary.

Sabi ni Casilao, mailalarawan daw ang MRT mess ng ganito: Ang pinaghalong mga miyembro ng Liberal Party at mga maintenance contractors na PH Trams, Global Apt at BURI ay katumbas ng multi-bilyong halaga na nadambong.

Panawagan ni Casilao kay Sen. Poe, huwag daw sanang hayaan si dating DOTC sec. Abaya na mariing itanggi ang anomalya sa MRT sa pamamagitan ng pagtatanga-tangahan.

Nauna nang sinabi ni Abaya na noong pinirmahan niya ang mahigit kalahating bilyong kontrata pabor sa PH Tram upang mag-maintain ng mga tren ng MRT ay hindi niya raw alam na bago pa lang ang nasabing kumpanya at nasa kalahating milyong piso lang ang kapital nito.

Umabot raw sa P9.7 bilyon ang naipataw sa publiko ng mga tauhan ni Aquino, kaya nararapat lang daw na kasuhan din ang dating pangulo.