David Lim Jr., pinayagan nang bumiyahe palabas ng bansa

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Pinayagan na ng korte sa Cebu na bumiyahe palabas ng Pilipinas ang road rage suspect na si David Lim Jr., na siyang itinuturong namaril sa isang nurse noong Marso.

Matatandaang hiniling ng akusado sa korte ang permiso nito para makabiyahe sa isang cruise tour kasama ang pamilya papuntang Canada at Estados Unidos.

Mahigpit itong kinontra ng prosekusyon sa pangambang baka hindi na bumalik sa bansa ang negosyante na may kinakaharap na kaso.

Si Lim ay sinampahan ng kasong  frustrated homicide at illegal possession of ammunition dahil sa pamamaril kay Ephraim Nuñal, 33, noong March 19 sa may F. Sotto Drive, Barangay Kamputhaw, Cebu City.

Nag-ugat sa away trapiko ang nasabing pamamaril na ikinasugat ni Nuñal.

Subalit sa inilabas na resolusyon ni Judge Alexander Acosta ng Regional Trial Court Branch 9 na may petsang Mayo 10, pinayagan nitong makalabas ng bansa ang akusado dahil nangako naman umano ito na babalik.

“The crime charged against herein accused is not among those that affects the interest of the national security, or public health, wherein the right to travel could be impaired as provided under section 6, article 2 of the 1987 Constitution of the Philippines,” paliwanag ng korte.

Ganunpaman, pinaglalagak si Lim ng bail bond sa halagang P300,000 at pinasusumite ng kopya ng kaniyang pasaporte.

Nakatakdang bumiyahe si Lim sa May 18 hanggang June 8. Sa loob ng 3 araw pagka-uwi sa bansa ay kailangan ding magpakita sa korte ang akusado.