De Lima hinamon si Napoles na isauli ang ‘ill-gotten wealth’ mula sa PDAF scam

Image from Leila De Lima's Facebook pageImage from Leila De Lima's Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Hinamon ni Senador Leila De Lima si ‘pork barrel mastermind’ Janet Lim-Napoles na isauli nito ang nakamkam na pera mula sa mga kuwestiyonableng kontrata sangkot ang Priority Development Assistance Funds (PDAF) ng mga mambabatas noon.

Ginawa ang hamon ni De Lima matapos lumabas sa mga ulat na planong kagatin ni Napoles ang alok ng Department of Justice (DOJ) na maging state witness sa kaso.

“Mr. Aguirre is making a tempting offer for Napoles that is too hard to resist, that is to tell everything she knows against the expanded list of suspects in the pork barrel fund scam in exchange of her security, survival or political concessions,” anang pahayag ni De Lima sa kaniyang Facebook, na ang tinutukoy ay si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre.

“If this government really sees her as a credible state witness because it thinks she is a ‘minimal player’ in the multi-billion pork barrel fund scandal, I challenge Napoles to return the wealth she has acquired from all her illegal transactions,” dagdag pa ng nakakulong na senador.

Iginiit din ni De Lima na hindi rin maaaring kunin si Napoles bilang state witness ng DOJ sa kaso dahil isa umano ito sa pinaka-guilty sa mga akusado.

Sinabi rin nito na ang Office of the Ombudsman, at hindi ang DOJ, ang may huling salita kung sino ang dapat kuning state witness.

Hindi rin pinalampas ng senadora ang pagkakataon para muling batikusin ang administrasyong Duterte dahil mistula umanong ginagamit lang nito si Napoles para makaganti sa mga kaaway.

“This government is using Napoles to blackmail and bully its critics and opponents. It will stop at nothing unless it can silence its dissenters and have their merry way of plunging our country into disaster,” wika pa ni De Lima.