Duterte pinaalalahanan ni Recto na maghinay-hinay sa utang sa China para pambili ng armas

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Pinaalalahanan ni Senate Majority Leader Ralph Recto si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa planong paghiram ng $500-M sa China para sa pagbili ng mga makabagong kagamitang pandigma.

Dapat umanong maghinay-hinay ang Pangulo at pag-isipang mabuti kung dapat nga bang manghiram pa ng pera sa ibang bansa gayong may kakayahan naman ang Pilipinas na mag-manufacture nito.

“We must stop relying on foreign suppliers to modernize the military equipment of our armed forces,” ani Recto.

Bukod dito, mas mura ang mga armas na mabibili mula sa mga local producers at makatutulong pa para makagawa ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.

“There is no need to borrow from China. It is cheaper to produce and maintain them locally, than to import them,” wika ng mambabatas.

“That way, jobs are created for the Filipinos and the local industries are given the chance to grow,” dagdag pa nito.

Matatandaang inamin ni Defense secretary Delfin Lorenzana na pumirman ng letter of intent ang Pilipinas at ang Chinese manufacturer na Poly Technologies para magsupply ng mga armas na gawang China.

Gagamitin umano sa naturang kontrata ang $500-M na iniaalok ng China sa bansa.