E-cigarettes, hindi kasama sa smoking ban executive order

Image from Kalusugan PH Image from Kalusugan PH

Hindi kasama ang electronic cigarettes o e-cigarettes sa Executive Order No. 26 o ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ilang araw pa lang ang nakalilipas.

Ito ay kinumpirma sa Rappler ni Department of Health Secretary Paulyn Ubial nitong Biyernes, ika-19 ng Mayo.

Anang Health Secretary, isasama lang nila sa nationwide smoking ban ang e-cigarettes kapag marami na silang impormasyon tungkol dito at kung may rekomendasyon na ang World Health Organization.

Ayon sa kalihim, hindi kasama ang e-cigarette sa ibinigay na depinisyon ng EO No. 26 sa “smoking” o paninigarilyo.

Ang paninigarilyo, ayon sa EO, ay ang pagkakaroon  o paghawak ng nakasinding tobacco products, hinihithit man o hindi ang usok niyon.

Ang tobacco products naman ay tumutukoy sa mga produktong ginamitan ng dahon ng tabako bilang sangkap na ginawa para hithitin, higupin, nguyain o amuyin tulad ng sigarilyo, tabako, shisha/hookah at chew tobacco.