Estudyante, arestado matapos i-upload ang mga hubad na larawan ng ex-girlfriend sa isang porn web site

File photoFile photo

Inaresto ng  Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang college student sa diumano’y  pamba-blackmail  sa kaniyang dating kasintahan kaugnay sa pagpost nito ng mga hubad na larawan online.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, ang suspek ay kinilalang si Kenn Russel Cabalatungan.  Siya’y inaresto sa East Rembo, Makati City nitong ika-9 ng Mayo.

Ayon kay Superintendent Jay Guillermo, PNP-ACG spokesperson, ipinagbigay-alam sa kanila ng biktima ang  pag-upload ng suspek ng kaniyang mga hubad na larawan sa isang porn website.

Yung biktima kasi nagreklamo sa amin noong April 28 regarding sa ex-boyfriend niya kinunan daw sya ng video, ng pictures everytime they meet. Nagpupunta sila sa motel, they do something and nakukunan siya ng picture, na hindi alam ng babae,” ani Guillermo.

Nakilala lamang ng biktima si Cabalatungan sa Facebook at doo’y nagsimula ang kanilang relasyon. Nang sila’y nagkahiwalay in-upload ni Cabalatungan ang slide show ng kaniyang mga hubad na larawan sa isang porn website at ipinadala nito ang mga kopya  sa mga kaibigan nito sa Facebook.

 “Hindi lang naman po ako ang napahiya kundi pati pamilya ko. Ang mga kaibigan ko naiba na ang pagtingin sa akin kasi ‘yung pinagkakaingat-ingatan kong pangalan nasira po ng ganon lang,” ayon sa biktima.

Sa isinagawang entrapment operation, dinala ni Cabalatungan ang biktima sa isang hotel upang makipagtalik  kapalit ng pagbura sa mga hubad na larawan nito. Doon na nasakote ang suspek.

Labis namang nagsisisi ang suspek sa ginawa nitong kasalanan. Aniya: “Nang dahil sa galit po. May ginawa po sa akin na hindi ko matanggap na panloloko niya po.

Babala ng biktima na huwag masyadong magtiwala sa mga tao sa social media.

Ayon sa ACG, tumataas ang bilang ng mga biktimang nagrereklamo hinggil sa mga hubad na larawan na naibabahagi online. Kadalasan ay babae na edad 15-35.

Sa tala ng PNP-ACG may  56 biktima noong 2015. Taong 2016, 192 biktima ang naghain ng reklamo. Ngayong first quarter ng 2017, may 50 biktima na ang nagrereklamo.

Nakikita kong trend, ‘yung mga bata, akala ng mga bata, when somebody took their pictures, akala nila hindi puwedeng i-share. Nagtitiwala sila sa isang tao na kumukuha. Advise lang natin, ‘wag bigyan ng opportunity na makunan ka ng picture,” ani Guillermo.

Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa 286 of the Revised Penal Code, sa pamamagitan ng paggamit ng ICT alinsunod sa Section 6 ng RA 10175, RA9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act), and RA 9262 (Anti-Violence against Women and Children).

 

Source :

ABS CBN