Ex-Sen. Edgardo Angara, hinirang bilang special envoy ni Duterte sa EU

Image from Bagong Aurora Website ng Bayan

MAYNILA, Pilipingas  –  Hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kaniyang special envoy sa European Union (EU) si dating Senate President Edgardo Angara.

Ang appointment letter ni Angara mula sa Malakanyang ay may petsang Mayo 3. Nakasaad dito na manunungkulan ang dating senador simula Abril 01 hanggang Setyembre 30 ngayong taon.

Si Angara ay kilalang batikang pulitiko at educator na nanilbihan sa iba’t-ibang posisyon sa gobyerno. Dati siyang Pangulo ng University of the Philippines bago kinuha noon ni dating Pangulong Corazon Aquino na tumakbong senador sa ilalim ng kaniyang partidong Laban.

Siya ang ika-16 Senate President mula 1993 hanggang 1995 sa ilalim noon ng panunungkulan ni dating Presindente Fidel Ramos.

Naging Agriculture Secretary at Executive Secretary din siya noong panahon naman ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada.

Nauna nang hinirang ni Duterte ang isa ring retiradong pulitiko – si dating Speaker Jose De Venecia –  bilang kaniyang special envoy sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).