Executive order sa pagpapatupad ng nationwide smoking ban pinirmahan na ni Pang. Duterte

Public Domain imagePublic Domain image

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order (EO) sa pagpapatupad ng smoking ban sa buong bansa.

Ayon sa ulat ng Inquirer, ang EO No. 26 ay pinirmahan ni Pangulong Duterte noong ika-16 ng Mayo. Sa isang pahayag, sinabi ni Department of Health Secretary Paulyn Ubial na ang pagpirma ng nasabing executive order ay tamang-tama raw dahil nalalapit na ang selebrasyon ng World No Tobacco Day na gaganapin sa ika-31 ng Mayo.

Sinabi Sec. Ubial na ang pagpirma ng EO No. 26 ay nangangahulugan na hindi na maaaring manigarilyo ang sinuman sa mga pampublikong lugar, sa loob man o sa labas ng mga ito. Ang mga parke, istasyon ng bus at maging sa loob ng mga pampasaherong sasakyan ay itinuturing na public places.

Dagdag pa ng Health secretary, ang EO No. 26 ay nag-aatas sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, kabilang na ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng 100% smoking ban sa lahat ng pampublikong lugar sa buong bansa.

Bahala na umano ang mga local government units na gumawa ng kani-kanilang mga ordinansa upang maipatupad ang executive order.