Gina Lopez, Buo Pa Rin Ang Suporta Kay Pangulong Duterte Sa Kabila Ng Pagkakatanggal Bilang Kalihim ng DENR

mga imahe mula sa DWIZ (Gina Lopez) at newsinfo. inquirer (Pangulong Duterte)

Buong pagpupunyaging inihayag ni outgoing Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez na payag siyang maging “alalay’ o katuwang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan.

Sa panayam sa kanya ng ANC at DZMM, tahasang sinabi ni Lopez na tanging si Pangulong Duterte lamang ang tanging makasusupil sa mga taong may pinangangalagaang pansariling interes hinggil sa mga usaping pangkalikasan.

“Iyan ang gusto ko! Even as USec, alalay. You can’t protect our natural resources if you don’t have some kind of tapang eh and integridad na hindi ka puwedeng mabili,” pahayag ni Lopez.

”My choice for DENR secretary is President Duterte… I can’t think of any other person. It needs guts. It needs tapang (bravery) because you have to step on business interest,” dagdag pa ng outgoing secretary.

Masasabing isa na yata si Lopez sa matatapang na naging kalihim ng DENR dahil 28 minahan na ang kanyang  napasara, 75 kontrata ang nabalewala at nakansela at ipinagbawal ang mga bagong pagtatangka ng pagmimina sa loob lamang ng 10 buwan.

Ayon kay Lopez, karamihan sa mga mambabatas na bumoto upang matanggal na siya sa serbisyo ay may interes sa negosyo dahil sinuportahan sila ng mga mining firm sa nagdaang halalan.

”It’s business, it’s clearly business. Even sa questioning sa hearing,” ani Lopez.

Hindi maitatanggi ang pagkadismaya ni Lopez dahil mas nangibabaw umano ang mga pansariling interes ng ilang mga mambabatas, at nanghinayang ito sa mga nasimulang plano para sa kalikasan.

Maraming netizens ang pumupuri sa naging pagganap ni Lopez bilang kalihim ng DENR at nanghihinayang sa hindi niya pagkakatalaga.

Sa kabila ng pagkilala at popularidad sa publiko, wala umanong balak na tumakbo si Lopez sa kahit na anong katungkulan sa pamahalaan, bagama’t labis niyang pinahahalagahan ang suporta ng publiko sa social media.

”I love the Filipino. What this whole foray has brought me into? Feeling. I feel energy. Feeling the pulse of the Filipino, the heart. It’s unbelievable,” pahayag ni Lopez.

Kasunod ni Perfecto Yasay ng Department of Foreign Affairs, si Lopez ang ikalawang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte na tinanggihan ng Commission on Appointment.