Grupo nagbabala: Huwag bumili ng nakaaaliw pero nakalalasong “shrilling chicken” toy sa Divisoria

Image from EcoWaste Coalition

Nagbabala sa publiko ang EcoWaste Coalition laban sa pagbili ng isang uri ng laruan na galing umano sa bansang Tsina dahil sa taglay nitong mataas na antas ng kemikal na nakalalason.

Ayon sa Manila Bulletin, sinabi umano ng grupo na ang “shrilling chicken toy” – na gumagawa ng tunog na parang matinis na tili kapag pinipisil – na ibinebenta sa Divisoria ay may taglay na mataas na lebel ng Phthalates; isang uri ng kemikal na inihahalo sa PVC plastic upang maging malambot at flexible iyon.

Lumabas sa pagsusuri sa laboratoryo na ang laruan ay may taglay na 19 porsiyento ng phthalate DEHP at 13 porsiyento ng phthalate DBP na sobra-sobra sa maximum level na pinahihintulutan ng pamahalaan na 0.1 percent by weight.

Ani Thony Dizon, coordinator ng EcoWaste Coalition’s Project Protect, nakatutuwa at nakaaaliw ang laruan, pero may taglay iyong mga additives na may dalang panganib na mahantad ang mga bata sa mga kemikal na nakasasama sa kalusugan.