Ilog na Mahiwaga, Dinaragsa; Alamin!

imahe mula sa Wikipediaimahe mula sa Wikipedia

Tunay ngang sagana sa likas na yaman ang Pilipinas lalo na sa yamang-tubig na talaga namang dinarayo pa ng mga turistang dayuhan tulad ngayong summer. Para sa mga hindi pa nakaaalam, may isang “mahiwagang ilog” na dinarayo sa Surigao Del Sur. Bukod sa kariktang taglay nito, atraksyon din ng ilog ang mga nakakubling kuwento ng kababalaghan sa bawat agos at daloy ng tubig nito. Ito ang tinatawag na Hinatuan Enchanted River.

Ang mahiwagang Ilog Hinatuan ay matatagpuan sa Barangay Talisay, Hinatuan, Surigao Del Sur sa Mindanao. Matatagpuan ito sa pagitan ng Barangay Talisay at Barangay Cambatong. Isang diplomat na nagngangalang Modesto Farolan ang nagtaguring “mahiwaga” ang ilog na makikita sa kanyang tulang Rio Encantado na naglalarawan sa naturang ilog. Maraming isda at pagong ang naninirahan dito.

Sikat ang ilog na ito dahil sa kakatwa nitong kulay. Kung titingnan sa top view, ang paligid ng ilog ay mistulang berdeng asul habang ang bandang gitna nito ay asul na asul sapagkat napakalalim nito. Sinasabing ang dahilan ng lalim nito ay nakakubling kuweba o yungib na hanggang ngayon ay hindi pa nasisisid o napupuntahan ng karaniwang mamamayan o turistang nagtutungo roon. Pinapayagan lamang ang mga turistang maglunoy at lumangoy sa bukana ng ilog.

Ayon sa ulat ng Trending News Portal, sinasabing ang unang nakatuklas sa ilog ay si Alex Santos noong 1999. Sa loob ng halos 11 taong pag-aaral kung bakit asul na asul ang kulay ng ilalim nito, natuklasan naman ng pangkat ni Dr. Alfonso Amores noong 2010 na ang dahilan nito ay  isang malaking kuweba na aabot sa 30 metrong lalim.

Noong Hunyo 17, 2014, isang trahedya ang nangyari kay Dr. Amores.  Nalagutan siya ng hininga dahil inatake siya sa puso habang nasa ilalim ng naturang kuweba dahil nahirapan siyang nakalabas sa makitid na lagusan nito.

Ipinagpatuloy naman ni Bernil Gastardo, isa sa mga kasamahan ni Dr. Amores, ang naumpisahan at naunsyaming paggalugad sa loob ng yungib na ito; katuwang ang University of San Carlos-Biology Department at DENR-BMB.

Ayon naman sa paniniwala ng mga lokal na naninirahan doon, ang nasabing ilog ay tahanan ng mga diwata at engkanto. Sila raw ang dahilan kung bakit kakatwa ang kulay ng tubig sa ilog at sila rin ang tagapagbantay rito.

Sinasamantala naman ng ibang mga lokal ang pagdayo ng mga turista dahil nag-aalok sila ng island hopping sa kabuuan ng ilog sa halagang P250 bawat bangka na maaaring maglulan ng 5 katao.

Tuwing ika-12 ng tanghali, ipinagbabawal ang paglangoy ng mga turista dahil pinapakain ang mga isdang naninirahan dito sa saliw ng Himno ng Hinatuan.

Pagsapit ng ika-5 ng hapon, isinasara na sa publiko ang naturang ilog.

Ano pang hinihintay mo, galugarin at tuklasin ang hiwaga ng ilog na ito!

Samantala, narito naman ang isang video ng programang Biyahe ni Drew sa GMA News TV na nagtatampok sa mahiwagang ilog ng Hinatuan: