Jinggoy pinayagan nang magpatingin sa doktor dahil sa nararamdamang sakit sa balikat

Image from ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas  –  Pinayagan ng Sandiganbayan 5th Division si dating Senador Jinggoy Estrada na makalabas ng detention center upang magpatingin sa doktor dahil sa nararamdamang sakit sa balikat.

Matatandaang hiniling ng kampo ni Estrada sa korte noong Mayo 11 na payagang makalabas sa Camp Crame ang nakakulong na senador dahil umano sa kumikirot nitong kanang balikat.

Nais magpatingin ni Estrada sa mga espesyalista sa Cardinal Santos Medical Center sa lungsod ng San Juan.

“With due respect to the Honorable Court and not to be interpreted as self-medical examination, accused-movant extreme pain is similar to what Dr. Tyrone Reyes have diagnosed in 2014 as calcific tendonitis which may require arthroscopic surgery if the pain continues to be extremely painful,” bahagi ng mosyon ni Estrada.

Nitong Miyerkules, pumayag na ang anti-graft court sa kahilingan ng dating mambabatas na kasalukuyang nakakulong sa PNP Detention Center dahil sa pagkakasangkot sa ‘P10-B pork barrel scam’.

Nakatakdang lumabas si Estrada sa Huwebes, mula 2 p.m. to 6 p.m. Iniutos din ng korte na hindi puwedeng pumunta sa ibang lugar si Estrada at kailangan nitong bumalik sa itinakdang oras o pagkatapos ng konsultasyon.