Kahanga-hangang Pinoy na Manggagamot, Tinulungan ang Isang Babaeng Pasahero sa Eroplano

Image by Qatarday

Saan mang lupalop ng mundo, maaasahan ang malasakit ng karamihan sa mga Pilipino!

Pinupuri ngayon ang isang Pilipinong doktor sa iba’t ibang pahayagan sa Amerika dahil sa ginawa nitong pagtulong sa isang babae na nangangailangan ng serbisyong medikal habang lulan sila ng isang eroplano.

Puyat, gutom at pagod mula sa libing ng kanyang yumaong biyenang lalaki, ang Pinoy physician na si Dr. Lawrence Eidref Lipana ay nakasakay sa Alaska Airlines plane mula San Jose International Airport patungong Newark International Airport sa New Jersey nang mangyari ang call-of-duty.

Salaysay ni Lipana sa Inquirer US, makalipas ang 30 minuto ng kanilang takeoff, nag-anunsyo ang flight crew ng eroplano na nangangailangan sila ng isang medical doctor o isang nurse practitioner na nasa loob ng eroplano dahil isang babaeng pasahero ang nakararanas ng pangangapos ng hininga, pananakit ng ulo at tiyan.

Dahil walang sinumang sumagot sa tanong ng flight crew, naglakas-loob si Lipana na lumapit  at ipakita ang kanyang Yale health insurance ID na may inisyal na MD sa dulo ng kanyang pangalan. Nagdadalawang-isip siya dahil baka hindi sila maniwalang doktor siya dahil bata pa ang kanyang hitsura at baka may isyu sila ng “minority legitimacy” kaya’t kabadong-kabado siya.

“I was also wearing my jacket that said ‘Yale Anesthesiology’ on the front. The crew looked at my ID and introduced me to the family as a physician, although I was nervous because this was my first time on the plane where I was the only physician,” kuwento ni Lipana.

Si Lipana ay isang board-certified pediatrician sa loob ng limang taon bukod sa resident anesthesiologist ng Yale University.

“I reassured myself because I knew that my experience in pediatrics, which was heavy on primary and diagnostic care and complemented my anesthesiology training with emphasis on procedural work, critical care,” paliwanag ng magtatalumpung taong gulang na manggagamot.

Mabuti na lamang at naagapan ni Lipana ang kondisyong ng babaeng pasahero sa pamamagitan ng mga on-board medicine kaya hindi na kinailangan ang emergency takeoff ng eroplano.

Puring-puri naman ng lahat si Lipana dahil sa kanyang ginawa.

“If I was not there, I am not sure what would have happened. They still would have gotten the ER doctor on radio with someone, either the crew or another passenger, taking vitals and monitoring the patient closely,” patuloy na kuwento ni Lipana. “Since the plane was somewhere near Colorado/Utah, an emergency landing and take-off would have canceled the rest of the flight or at least caused a two to three-hour delay.”

Ipinagpasalamat ni Lipana na naroon siya nang mga sandaling iyon.

“I knew that a situation where I was the only physician would happen eventually, so I’m glad this incident worked out for everyone.  I don’t regularly prepare myself, but responding to this particular airplane call I came up with a game plan for resuscitation and anticipated potential roadblocks like needing to prove my MD legitimacy and the limitations of the on-flight first aid kit.”

Para kay Lipana, likas talaga sa mga Pilipino ang pagiging maalaga at matulungin sa mga nangangailangan na tunay niyang pinagmamalaki.

Si Lipana ay tubong Bacoor, Cavite at matagal na niyang inasam na maging isang manggagamot. Siya ay nagtapos ng pre-med bilang magna cum laude sa University of California sa Los Angeles. Aktibo rin siya sa mga medical mission at outreach program na nagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga nangangailangan.