Kahanga-hanga! Sa Kabila ng Parkinson’s Disease, Estudyante Nakapagtapos sa Lyceum; Poe, Nagbigay ng Pagkilala

Image via Facebook account of Grace PoeImage via Facebook account of Grace Poe

“Nakabibilib ang determinasyon ng isang tao na sa kabila ng karamdaman ay nakukuha pa rin magtapos ng kolehiyo makamit lang ang diplomang inaasam-asam.”

Ganito ang kuwento ng isang estudyante na nakapagtapos ng Human Resource Development Management sa Lyceum of the Philippines (LPU) sa kabila ng pagkakaroon ng Parkinson’s disease.

Binigyan ng pagkilala ni Senador Grace Poe, commencement speaker ng LPU sa General Trias, Cavite, si ‘Daisy’, 27-anyos, na nag-martsa sa graduation ceremony nitong Abril 28.

Pahayag ni Poe: “Inspirasyon siya para sa ating lahat na sa kabila ng kanyang napakahirap na dinadala ay nagawa pa ring magpursige at makatapos ng kolehiyo. Kasama ang kanyang ina, pinatunayan nilang hindi kayang gapiin ng anumang balakid ang determinasyong magtagumpay sa buhay.” 

Si Daisy ay laging sinasamahan ng kanyang ina sa paaralan hanggang matapos nito ang kanyang kolehiyo.

Huminto si Daisy noon sa high school dahil sa kanyang karamdaman, ngunit bumalik ito sa pag-aaral upang mapatunayan na kaya niyang malagpasan ang kanyang karamdaman.

Bago pa makapagbigay ng mensahe sa mga nagtapos si Poe, ay sinamahan siya ni LPU President Roberto Laurel upang makilala si Daisy at ang ina nito. Binati naman ni Poe ang mag-ina sa kanilang achievement.

Binigyan din ni Poe si Daisy ng isang ‘hope necklace’ habang sinasabi na siya ay inspirasyon sa marami na humaharap din sa mga pagsubok sa buhay.

Sa talumpati ni Poe, inilarawan niya ang karakter ni Daisy at pagtitiyaga ng ina nito. Aniya, karapat-dapat lamang hangaan ang mag-ina.

Ipinayo rin ni Poe sa mga nagtapos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng right attitude na kasing-halaga rin sa pagkakaroon nila ng titulo, saad sa ulat ng ABS-CBN.

“Hindi lamang ang kaalaman ang tinitingnan, kundi maging ang pag-uugali,” paliwanag ni Poe.

Ang Parkinson’s disease ay isang karamdaman sa motor system. Kadalasan ito ay may sintomas ng panginginig ng mga kamay at braso o maaari ring pagbagal o pagtigil ng galaw.

Ito ay isang uri ng sakit na walang lunas bagama’t mayroong mga gamot upang malunasan ang sintomas ng sakit. Kadalasan, ang mga taong 50-anyos at pataas ang naaapektuhan ng ganitong sakit, saad sa ulat ng Wiki Pilipinas.