Kapamilya at Kapuso Stars, Wagi Sa 19th Gawad PASADO 2017

mga imahe mula sa Starmometer at ADOBO today

Pinarangalan ang ilang Kapamilya at Kapuso stars gayundin ang iba pang mga personalidad sa ginanap na 19th Gawad PASADO o Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro noong Abril 28, 2017 sa De La Salle University sa Maynila para sa kanilang natatanging ambag sa pinilakang tabing noong 2016.

Limang pelikula ang itinanghal bilang Pinakapasadong Pelikula ng Taon. Ito ay ang Ang Babaeng Humayo ng Cinema One Originals at Sine Olivia Pilipinas; Tuos ng Purple Pig Production, Hele sa Hiwaga ng Hapis ng Star Cinema, Ten17 Productions, Epic media, at Sine Olivia Pilipinas, Iadya Mo Kami ng BG Productions International at Ma’Rosa ng Center Stage Productions.

Sina Vilma Santos at Charo Santos-Concio naman ang itinanghal bilang Pinakapasadong Aktres dahil sa kanilang de-kalibreng pagganap sa Everything About Her at Ang Babaeng Humayo na parehong nasa ilalim ng Star Cinema.

Para naman sa Pinakapasadong Aktor, natanggap ito nina Piolo Pascual para sa pelikulang Hele Sa Hiwagang Hapis, Allen Dizon para sa pelikulang Iadya Mo Kami, at Enrique Gil para sa pelikulang Dukot.

Iginawad naman ang Pinakapasadong Katuwang na Aktres kina Barbie Forteza para sa pelikulang Tuos at Aiko Melendez para sa pelikulang Iadya Mo Kami samantalang ang Pinakapasadong Katuwang na Aktor naman ay sina Paulo Avelino para sa pelikulang The Unmarried Wife at Zanjoe Marudo para sa pelikulang The Third Party.

Pinakapasadong Direktor naman sina Lav Diaz para sa pelikulang Ang Babaeng Humayo at Mel Chionglo para sa pelikulang Iadya Mo Kami.

Pinakapasadong Likhang-Bata sa Pagganap naman ang natanggap ni Simon Ezekiel Pineda o mas kilala bilang “Onyok” sa teleseryeng Ang Probinsyano para sa kanyang pelikulang The Super Parental Guardians at pagganap sa teleseryeng Ang Probinsyano.

Ginawaran naman ng Natatanging Gawad PASADO sina Jacklyn Jose para sa pelikulang Ma’Rosa at Paulo Ballesteros para sa pelikulang Die Beautiful. Itinanghal din ang Die Beautiful bilang Pinakapasadong Pelikula sa KamalayangPagkakapantay-pantay ng mga Kasarian at Tuos bilang Pinakapasadong Pelikula sa Paggamit ng Wika at Kamalayang Pangkultural.

Bukod sa aspetong pampelikula, nagbigay-parangal din sila sa iba pang mga aspetong pang-akademya at pantelebisyon.

Nakatanggap ng gantimpalang Pinakapasadong Simbolo sa Kagandahang Asal at Pinakapasadong Aktor sa Teleserye si Coco Martin para sa teleseryeng Ang Probinsyano. Ang batikang news anchor naman na si Mike Enriquez ay ginawaran ng Pinakapasadong Lingkod-Bayan.

Nakuha naman nina Alden Richards at Maine Mendoza ang Gawad Dangal ng Kabataan.

Ipinagkaloob naman ang Pasado Lifetime Achievement Award kay Ms. Amalia Fuentes.