Kapuso actress Ai Ai delas Alas at iba Wagi sa ASEAN Int’l Film Festival

Image by Ai Ai delas Alas via Instagram post

Sa ASEAN International Film Festival and Awards (AIFFA) 2017 na ginanap sa Malaysia Sabado ng gabi, isa ang Kapuso actress ng GMA 7 na si Ai Ai delas Alas  sa mga nagwagi. Nasungkit ni Ai Ai ang Best Actress award dahil sa kanyang pagganap bilang isang “aging prostitute” sa independent film na “Area“.

Kabilang sa mga nominado sa nasabing kategorya ang mga kilala at sikat na aktres mula sa bansang Vietnam, Laos, at Indonesia.

Bagama’t hindi siya nakadalo sa awards night, taus-pusong nagpaabot ang aktres ng pasasalamat sa mga bumubuo ng AIFFA, pati na rin sa lahat ng mga sumusuporta sa kanya at higit sa lahat, sa Panginoon. Aniya: “Sobrang thankful po ako kay God sa blessing na ito. Walang hanggang pasasalamat sa inyo, aming Hari at Panginoon. Mama Mary, I love you. Thank you sa lahat ng bulong mo kay Lord. Salamat din nang marami sa ASEAN International Awards for this award. No words can express my happiness and being so grateful for this prestigious award.”

Naging highlight din ang mensahe ni Ai Ai patungkol sa mga gaya niyang ilaw ng tahanan. Narito ang kanyang madamdaming mensahe: “Malapit na ang Mothers’ Day and I want to dedicate this award to all mothers around the world. Ito ay kuwento nating mga ina.”

Marami pong salamat film development council of the PHILIPPINES MABUHAY 💚

A post shared by Martina Eileen Delas Alas (@msaiaidelasalas) on

Nauna nang pinarangalan ngayong taon si Ai Ai bilang Best Female Actor award mula sa Queens World Festival na siyang kauna-unahang international award ng komedyante. At pangalawa naman sa ASEAN International Award bilang Best Actress.

Samantala, wagi rin sa AIFFA 2017 sina Louie Ignacio (Best Director, Area), Ricky Davao (Best Supporting Actor, Dayang Asu), Ana Capri (Best Supporting Actress, Laut), Lawrence Fajardo (Best Film Editing, Imbisibol), at Lav Diaz (Special Honour Award, Babaeng Humayo).

Ilan ding artista ang dumalo sa nasabing parangal gaya nina Nora Aunor, Cherie Gil, Jaclyn Jose, Benjamin Alves, at marami pang iba.

Layunin ng ASEAN International Film Festival and Awards na i-promote ang kultura, tradisyon at heritage ng bawat bansang kasapi sa ASEAN.

Upang mapanood ang trailer, i-click dito.