Lalaki na kumatawan sa harap ng korte bilang abogado ng isang kliyente, peke pala

Image from The Nigeria Lawyer Image from The Nigeria Lawyer

Inaresto ng National Bureau of Investigation Central Visayas ang isang lalaking nagpanggap na abogado at nag-representa pa ng kliyente sa harap ng korte.

Nasakote sa isang entrapment operation sa loob ng isang mall sa Barangay Lamac, Consolacion sa Cebu ang suspek na kinilalang si Noel Maracuelo, 47-anyos. Dinakma ng mga pulis ang suspek matapos nitong tanggapin ang P15,000 na hiningi nito sa kliyenteng si Kirby Magdadaro.

Sa ulat ng Inquirer, sinabi umano ng imbestigador na si Agapito Gierran na nagpakilalang abogado sa biktima si Maracuelo at tutulungan daw ito sa real estate case na nakabinbin pa sa korte.

Sabi pa ng imbestigador, kailan lang nalaman ng biktima na ang kumakatawan para sa kanya sa harap ng korte ay hindi pala abogado. Nalaman niya ito matapos ma-dismiss ang kasong ipinaglalaban niya at komunsulta siya sa ibang abogado.

Ang ginamit ng suspek na lawyer’s identification number ay pagmamay-ari pala ng ibang abogado.

Kasong estafa at falsification of documents ang mga kasong haharapin ng suspek.

 Image from Alan Tangcawan/Sun Star

Image from Alan Tangcawan/Sun Star