Lalaki patay matapos saksakin ng mister ng babae na kaniyang pinagtangkaang gahasain

Image capture from video by Ronda Brigada via FacebookImage capture from video by Ronda Brigada via Facebook

MAYNILA, Pilipinas  –  Paghihiganti ang nakitang motibo sa pamamaslang sa isang 24-anyos na manggagawa sa isang farm sa General Santos City nitong Martes.

Nakilala ang napatay na si Rennie Calayon, laborer sa  Lorenzo Stock Farm sa Park Matatag, Barangay Baluan at residente ng Tupi, South Cotabato.

Naaktuhan umano ng suspek na si Abdul Dalusay Malatabon, 32, residente ng Maitum, Sarangani Province si Calayon na pinagtatangkaang halayin ang kaniyang asawa sa loob ng kanilang tinitirhan.

Magkakasama umano sa isang bahay ang mga trabahador ng naturang farm habang si Calayon ay sinasabing bayaw din mismo ni Malatabon.

Kagagaling lang daw sa trabaho ng suspek nang maabutan niya ang kaniyang asawa na umiiyak habang tinatalian ni Calayon ng tela sa bibig.

Dahil dito nagdilim ang paningin ni Malatabon at hinabol ang lapastangang lalaki  na nakuha pang makatalon sa bintana. Nang maabutan sa isang bahagi ng farm, dito na pinagsasaksak ng suspek ang kaniyang bayaw na agad nitong ikinamatay.

Tumakas ang suspek kasama ang kaniyang pamilya matapos ang krimen subalit sumuko rin ito kinabukasan.

Masama umano ang kaniyang loob dahil siya mismo ang tumulong para makapasok sa trabaho si Calayon.