Lalaking tumangging magbayad ng utang na P100, patay sa saksak

Image capture from ABS-CBN News video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Patay sa pananaksak ang isang lalaking tumanggi umanong magbayad ng utang sa kaniyang kaibigan. Nangyari ang krimen sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong nitong Martes ng gabi.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, sinisingil ng suspek na si  Ariel Zaragosa ang 18-anyos na biktimang si  Rolando Tutaan Jr. sa utang nitong P100. Subalit tumanggi daw magbayad ang huli.

Nagpanting umano ang tainga ng suspek matapos nitong makarinig ng kung anu-anong salita mula sa biktima kaya nauwi sa suntukan ang pangyayari.

“Ayaw ibalik ang P100! Siya ‘yung galit, kaya nagsuntukan kaming dalawa. Nasa loob na po ako, nag-iingay pa po siya. Narindi tainga ko,” kuwento ni Zaragosa.

Sa kabila ng pag-awat ng isang nakasaksi, bumunot pa umano ng kutsilyo ang suspek bago inundayan ng saksak ang kalaban.

Nakuha pang maisugod sa pagamutan si Tutaan subalit binawian din ito ng buhay matapos magtamo ng mga saksak sa katawan.

Duda naman ang ama ng biktima na ang utang na P100 lang ang pinagtalunan ng dalawa.

Umamin din si Zaragosa na gumagamit ito ng ilegal na droga at minsan nang sumuko sa Oplan Tokhang.

Arestado naman kaagad ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong murder.

Source :

ABS-CBN News