Lt. Col. Marcelino, handang sumabak sa kampanya kontra ilegal na droga at tumestigo laban kay De Lima

Image capture of video by GMA News

Nakalaya na si Lt. Col. Ferdinand Marcelino matapos ibasura ng Department of Justice ang drug case laban sa kanya nang mapatunayang lehitimo ang operasyon kontra droga na ginawa niya noong isang taon.

Matapos ang paglaya ni Marcelino, ipinahayag naman ng kanyang abogado na si Public Attorney’s Office chief Persida Rueda Acosta na handa itong tumestigo laban kay Senadora Leila De Lima sa kasong isinampa ng Department of Justice laban sa mambabatas.

“Anytime sabi niya he can testify. Pero kung ano ang ite-testify niya, hindi natin alam,” ani Acosta.

Abangan na lang daw kung ano ang mangyayari sakaling gamitin ng pamahalaan bilang testigo si Marcelino sa kaso tungkol sa paglaganap ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison kung saan sinasabing sangkot si Senadora De Lima.

Ayon sa  Bombo Radyo, pinag-aaralan na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang posibilidad na gawing testigo si Marcelino sa kaso ng senadora.