Mahigit isandosenang kambing nilapa ng mga aso sa Ilocos Sur

Image from The Commentator

Sama ng loob at lubos na panghihinayang ang naramdaman ng mag-asawa sa Ilocos Sur matapos lapain ng mga aso ang mahigit isandosenang kambing na alaga nila.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, sinabi umano ni Vilma Degamo na labintatlong alaga nilang kambing ang namatay matapos atakehin ng mga aso sa bayan ng Burgos ng naturang lalawigan. Aniya, nadatnan ng kanyang asawa, nang magtungo ito sa lugar kung saan nakapastol ang mga alaga, na nilalapa ng mga aso ang dalawa sa mga kambing.

Hindi raw kasi nabantayan ng kanyang mister ang mga alaga nilang kambing kaya nangyari ang insidente. Mabilis umanong nagpulasan ng takbo ang mga aso nang dumating sa pastulan ng kambing ang asawa niya.

Humingi raw sila ng tulong sa lokal nilang barangay upang mahuli ang mga asong lumapa ng kanilang mga alaga upang hindi na umano masundan pa ang mga pag-atake, pero wala raw tumulong sa kanila.

 

Source :

Bombo Radyo