Makalipas ang 10 taong paglilitis, transgender pinagbayad ng korte ng P200 dahil sa pang-iinsulto sa isang abogado

Image from State of English Philippines

MAYNILA, Pilipinas – Matapos ang isang dekadang paglilitis, pinatawan ng parusa ng isang korte sa Davao City ang isang transgender dahil sa pag-iinsulto nito sa isang abogado na kaniyang nakasagutan dahil sa paggamit ng palikuran para sa babae.

Inutusan nitong Biyernes, Mayo 12, ni Judge Silverio Mandalupe ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Branch 3 si Eliazar Ignosa alyas “Charry”, miyembro ng LGBT, na magbayad ng P200 matapos itong mapatunayang guilty sa “slight oral defamation” laban kay Rocarma Nuesca, isang government prosecutor.

Ang naturang parusa ay may kalakip na “subsidiary imprisonment in case of insolvency.”

Subalit pinawalang sala naman ang akusado sa dalawang kaso ng ‘unjust vexation’ na isinampa ni Nuesca at ng kaniyang asawa dahil sa paggamit ni Ignosa ng CR para sa babae sa loob ng Victoria Plaza Mall noong taong Mayo 27, 2007.

Ang kaso ay nag-ugat matapos sitahin ni Nuesca si Ignosa sa loob ng palikuran ng babae. Matapos magkasagutan, ininsulto umano ng transgender ang asawang lalaki ng abogado.

 “Sino? Iyong asawa mong pangit? Pangit ‘yung asawa mo!” ito umano ang tinuran ng akusado.

Ayon sa korte, wala umanong nilabag na batas si Ignosa sa paggamit ng CR para sa babae lalo pa’t matagal na niya itong ginagawa bilang empleyado sa isang salon sa loob ng mall.

“The accused only acted within his means to take note of the identity of the private complainant since he had no other way to identify the latter. Certainly, the act annoyed the private complainant but it was not unjustifiable. Hence, there is reasonable doubt as to the supposed felonious act of the accused,” dagdag pa ng korte.