Mga kabataan kabilang ang menor de edad, nagnakaw ng vault na may lamang P2.8 milyon

Image from Mises Institute Image from Mises Institute

Ninakaw ng ilang kabataan, na ang mga edad ay nasa pagitan lang ng 16 at 22, ang isang vault na naglalaman ng halos tatlong milyong piso sa Pampanga noong Lunes, ika-8 ng Mayo.

Naganap umano ang pagnanakaw sa Barangay San Nicolas sa bayan ng San Fernando bago magtanghali. Sa kabutihang-palad, agad na nalutas ang krimen ilang oras lang matapos ang panloloob sa bahay ng 52-taong gulang na biktimang si Luz Castañeda.

Ayon sa ulat ng Inquirer, kasalukuyang nasa himpilan ng pulisya sa San Fernando ang biktima nang makita niya umano na naglalakad ang isang lalaki na kinilalang si Jorney Acevedo, 29-anyos, na bitbit ang vault na ninakaw sa kaniya.

Paliwanag ni Acevedo, binayaran daw siya ng P1,000 para buksan at itapon ang vault ng dalawang suspek na sina Lester Mangoba, 19, at Joebren Manaloto 22, na agad namang naaresto sa lugar malapit sa bahay ng biktima. Nabawi mula sa dalawa ang halos isa at kalahating milyong piso.

Itinuro naman ni Mangoba na ang nalalabing halaga ay nasa kanyang 16-anyos na pinsan. Naaresto ang menor de edad kasama ang menor de edad rin nitong nobya sa loob ng isang motel. Nabawi sa kanila ang halagang  P1.247 milyon.

Ayon sa pulisya, kulang pa ng P64,660 ang nabawing pera. Hindi na rin nabawi ang isang gintong kuwintas na ninakaw rin ng mga suspek.