Mga labor groups, suportado ang proposal para sa 4-day workweek

Image from Concept News Central

Suportado ng mga labor groups ang panukala na gawing apat na araw na lang ang ipapasok ng mga manggagawa  sa trabaho sa loob ng isang linggo basta protektado raw ang mga karapatan ng mga ito.

Ayon sa tagapagsalita ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines na si Alan Tanjusay, susuportahan nila ang House Bill 5068 na inakda ni Baguio Representative Mark Go kung magbibigay ang panukala ng sapat na proteksyon para sa mga manggagawa.

Ayon sa CNN Philippines, ang nasabing House Bill ay naglalayong gawing 4-day workweek ang dating maximum na 6-day workweek. Nangangahulugan ito na ang dating 8-oras na trabaho kada araw ay itataas sa hanggang 12 oras upang maabot ang 48 oras kada linggo na itinakda ng Labor Code.

Malaking ginhawa umano ang pinaikling workweek para sa mga manggagawa dahil magiging tatlong araw na ang kanilang pahinga sa loob ng isang lingo at makakamenos pa sila sa pamasahe.

Pumasa na sa committee level ng Kamara ang panukala at dadalhin iyon sa plenaryo para sa ikalawa at ikatlong pagbasa. Kailangan rin na may counterpart na panukala na papasa mula sa Senado para maging batas iyon.