Mga natitirang bilanggo sa ‘secret jail’ sa Maynila, wala nang planong magsampa ng kaso

Image from Inquirer

MAYNILA, Pilipinas – Wala nang balak na magsampa pa ng kaso ang mga natitirang bilanggo sa kontrobersiyal na ‘secret jail’ sa Raxabago Police Station (Police Station 1) sa Tondo, Maynila.

Sa inilabas na pahayag ng 4 sa 12 na bilanggong nadiskobre ng Commission on Human Rights (CHR) sa tagong maliit na kuwarto sa nasabing presinto, hindi na sila magsasampa pa ng reklamo sa mga pulis doon at lumuwag na rin daw ang kanilang kulungan.

Nangangamba naman ang CHR na baka may kumausap na pulis sa 4 na bilanggo kaya nagbago na ang isip ng mga ito.

“Ang nababalitaan namin meron mga pulis na pumupunta pa sa kanila at sinasabing huwag na silang magsampa ng kaso, hindi na daw nila papansin ‘yung kaso… hindi nila aasikasuhin para makawala daw ‘yung mga tao na naging biktima ng secret detention cell na ito,” ani CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit  sa panayam ng ABS-CBN News.

Subalit mariin naman itong itinanggi ng mga preso at sinabing wala namang kumausap sa kanila o sa kanilang pamilya.

Tatlo sa natitirang bilanggo ay lalaki at isa naman ang babae. Ang 8 sa grupo na tinawag na “Raxabago 12” ay nakapagpiyansa na at pansamantalang nakalaya.