Mga residente, nagboluntaryo upang protektahan ang Palawan sa banta ng Abu Sayyaf

Image capture of video by ABS-CBN News

Tinatayang mahigit dalawandaang residente sa Puerto Princesa City sa Palawan ang nagboluntaryo na magpatrulya sa kanilang lugar upang protektahan ito sa posibleng pag-atake ng grupong Abu Sayyaf.

Kaugnay ito ng inilabas na travel advisory ng Estados Unidos na nagbabala sa mga mamaMAyan nito na mag-ingat sa pamamasyal sa mga lugar sa Palawan, kabilang na ang Puerto Princesa City at sa paligid ng   Puerto Princesa Subterranean River National Park.

Ayon sa ulat ng Inquirer, umabot na sa 228 na volunteers, karamihan ay mga bangkero at mga opisyal ng mga komunidad sa palibot ng popular na underground river park, ang magpapatrulya sa ilalim ng superbisyon ng militar.

Sinabi ni Jan Elmer Badilla, tagapagsalita ng tagapangasiwa ng nasabing park, na maging ang kanilang park rangers ay magbabantay sa mga entry points mula sa dagat.

Ayon naman sa Park Superintendent na si Beth Maclang, nagbubuo na sila ng command center at magpapakalat ng mga contact numbers na maaaring tawagan ng mga residente upang i-report ang mga kahinahinalang tao na makikita.

Sinabihan din ang mga resort owners na hingan ng mga identification at impormasyon ang kanilang mga guests.

Mas paiigtingin rin umano ang police visibility sa lugar.