Mga ‘scalawag’ na pulis, gustong isabak ni Bato sa bakbakan sa Marawi

Image from PNP Facebook pageImage from PNP Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Planong ipadala ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang mga tinaguriang ‘scalawag’ na pulis sa Marawi City para isabak sa bakbakan laban sa teroristang Maute Group.

Ginawa ni Dela Rosa ang naturang pag-anunsiyo sa ginanap na flag ceremony sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga, ika-29 ng Mayo.

Sa kaniyang maikling pahayag, nanawagan ang PNP chief sa mga ‘scalawags’ na magbago na at huwag palaging pagkita ng malaking pera o pagpapayaman ang nasa isip. Sa halip daw, serbisyo publiko ang atupagin ng mga ito bilang pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Dito na niya nabanggit na pinag-iisipan niya umanong i-deploy ang mga ‘scalawag’ sa Marawi, tulad ng kanilang ginawa sa Basilan ilang buwan na ang nakararaan.

Naging emosyonal din si Bato habang ikinukuwento ang kaniyang pagdalaw sa mga sugatang tropa ng goberyno sa Marawi kung saan tinatayang mahigit 90 na ang namatay kasama ang 20 sundalo at pulis at 19 sibilyan.

Samantala, pinarangalan naman ng PNP ang ilang magigiting na pulis dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Kinilala ng RMN ang mga pulis na ginawaran ng award nitong Lunes na sina PO1 Mary Joyce Apada, PSupt. Michael Joun Mangahis, Pc Insp Angelito Dangli Jr,Sr. Insp Jefferson Guillermo, Pc Insp. Jewel Nicanor at SPO1 Lorenzo Mamauag Jr.

Source :

RMN, Bombo Radyo