Microsoft, nagbabala matapos ang nangyaring malawakang cyber-attack sa 150 bansa

Image from Protech PC Health

Nanawagan ang technology giant na Microsoft sa mga pamahalaan at malalaking negosyo sa buong mundo na  sana raw ay magsilbi bilang “wake up call” ang nangyaring malawakang cyber attack na naganap noong nakaraang linggo, kung saan 150 bansa ang naapektuhan.

Ayon sa The Sun, sinabi umano ng Microsoft na tinatayang nasa 200,000 computers ang naapektuhan ng tinatawag na Wannacry virus. Ang mga naapektuhan raw ng nasabing virus ay ang mga computers na hindi nag-a-update ng kanilang software.

Ang Wannacry ay isang ransomware o malicious software na ginagamit ng mga hacker upang gawing inaccessible ang files ng naapektuhang computer. Upang muling ma-access ang lahat ng files sa apektadong computer, kailangan munang magbayad ng ransom na nagkakahalaga ng $300.

Tatlong araw ang palugit na ibinibigay ng hacker sa may-ari ng apektadong computer para magpadala ng bayad. Kapag lumampas sa takdang oras ay doble na ang sinisingil ng hacker. Tuluyan nang hindi marerekober ang mga files kapag sa loob ng 7 araw ay hindi nagbayad ng ransom.

Pinayuhan naman ng mga eksperto na huwag magbayad ng ransom dahil pinopondohan lang nito ang mga susunod pang krimen. Wala rin umanong garantiya na mababawi ang mga files kapag nagbayad ng ransom.

Fact-checked against the following source(s) :

The Sun, The Guardian