Napoles, handang pangalanan ang matataas pang opisyal ng gobyerno na sangkot sa PDAF scam

Image capture of video by ABS-CBN Image capture of video by ABS-CBN

Handa umanong ibunyag ni Janet Lim-Napoles ang iba pang personalidad na may mataas na tungkulin sa pamahalaan na diumano ay sangkot rin sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, ayon sa abogado niyang si Atty. Stephen David .

Si Atty. David, ayon sa ulat ng ABS-CBN, ay nakipagpulong kay Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre para sa posibilidad na tumayong state witness ang kanyang kliyenteng si Napoles – ang tinaguriang mastermind ng nasabing scam.

Kabilang raw sa mga ibubunyag ni Napoles ay mga matataas na opisyal na kapanalig ng nakaraang Aquino Administration.

Ani Atty. David, hindi natuloy ang usapan na maging state witness si Napoles noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino dahil baka raw maapektuhan ang mga kapanalig nito na sangkot rin sa scam.

Kung sakaling magiging state witness si Napoles ay nangako raw ito na sasabihin ang buong katotohanan.

Nauna nang sinabi ni Secretary Aguirre na tinitingnan nila ang posibilidad na gawing state witness si Napoles kaugnay ng planong muling buksan ang imbestigasyon sa PDAF scam, na kilala rin sa tawag na pork barrel scam.