Oportunidad sa turismo, pamumuhunan inaasahang lalago sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Russia

Image capture of video by RTVMImage capture of video by RTVM

Inaasahang maraming oportunidad ang maaaring magbukas sa larangan ng turismo at pamumuhunan sa bansa sa nakatakdang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang Russia.

Ang opisyal na pagbisita ng Pangulo sa Russia ay sinasabing magtatagal ng limang araw; mula ika-22 hanggang ika-26 ng Mayo.

Ayon sa Brigada News, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) assistant secretary Maria Cleofe Natividad na sa kasalukuyan ay hindi pa gaanong mataas ang ugnayan ng Pilipinas at Russia sa larangan ng turismo at pamumuhunan.

Ani Asec. Natividad, ang bilateral trade sa pagitan ng dalawang bansa, batay sa tala ng DFA, ay umabot lang sa $226 million noong nakaraang taon at ang import rate ng bansa sa Russia ay umabot lang ng $49 million. Sa turismo naman, mababa raw ang 38,000 na Russian tourists na bumisita sa bansa noong nakaraang taon.

Ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Russia ay pagpapakita umano ng masidhing pagnanais ng bansa na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga itinuturing na non-traditional partners na bansa.

Ang highlight ng pagbisita ng Pangulo ay ang pakikipagpulong niya kay Russian President Vladimir Putin na nakatakda sa ika-25 ng Mayo.