Pabahay sa Kadamay, kulang nga ba?

Imahe mula sa ABS CBN Facebook Page

Umaalma ngayon ang grupong Kadamay dahil sa hindi pagsunod ng National Housing Authority (NHA)  sa kasunduang ibigay sa kanila ang mga pangakong pabahay. Ito’y matapos sumugod sa tanggapan ng  NHA ang halos 1,000 kasapi ng Kadamay sa Balagtas, Bulacan.

Hindi umano miyembro ng Kadamay ang ilang nabigyan ng pabahay.

Ilan sa inirereklamo nito’y umano hindi miyembro ng Kadamay ang ilang nabigyan ng pabahay. Dagdag pa nito, nasa 5,000 pa lamang sa 12,000 miyembro nila ang nabigyan ng pabahay; ayon sa chairperson ng Kadamay-Bocaue. Dahil dito may ilang pabahay na hanggang tatlo o higit pang pamilya ang nagsisiksikan sa isang bahay.

Ngunit paglilinaw  ng NHA, nasa 6,000 miyembro lamang ng Kadamay at hindi 12,000 ang napag-usapang bibigyan ng pabahay. Kailangan pa rin nilang pumasa sa validation upang mabigyan sila ng pabahay.

Sa pabahay naman ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, kailangan ding sumangguni muna ang mga orihinal na benepisyaryo upang malaman kung ilan ang maaaring ipamahagi na lamang sa iba.

Sa ika-15 ng Hunyo ang palugit ng NHA sa AFP at PNP personnel upang sabihin kung interesado pa sila sa mga pabahay na ito. Ito rin ang palugit na hiningi ng AFP-PNP housing board upang maimbentaryo ang mga unit.

Nitong Abril ay humirit ang Kadamay ng tubig at kuryente  sa pabahay na kanilang nilipatan sa Pandi, Bulacan.