Pang. Duterte, hindi na igigiit ang emergency powers para malutas ang problema sa trapiko

Image from Presidential Communications Office

Ipinahayag ni Pangulong Duterte na hindi na niya oobligahin ang Kongreso na bigyan siya ng emergency powers upang mapabilis ang implementasyon ng mga proyektong naglalayong matugunan ang lumalalang problema sa trapiko.

Ayon sa Sun Star, ginawa ng Pangulo ang pahayag sa Davao International Airport noong dumating siya mula sa pagbisita sa China noong ika-16 ng Mayo.

Anang Pangulo, nirerespeto niya ang kasarinlan ng Kongreso upang magdesisyon kung bibigyan ang kanyang administrasyon ng emergency powers upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa Metro Manila at iba pang siyudad sa bansa.

Mainam daw kung bibigyan siya ng Kongreso ng emergency powers dahil mapabibilis daw ang mga bagay-bagay. Pero kung natatakot, aniya, ang Kongreso na magkaroon ng korapsyon dahil sa ilalim ng emergency powers ay walang bidding, nasa kanila ang lahat ng karapatan na magduda.

At kung sakali naman daw na ibigay ang emergency powers, huwag daw sanang pagdudahan ng mga mambabatas ang integridad ng kanyang Gabinete. Anang Pangulo, hindi niya papayagan ang korapsyon sa kanyang pamahalaan.