Pangalan ng sender ng bomba sa Quiapo, alam na ng pulisya

Image from Christian Drey Lumen's Facebook post

MAYNILA, Pilipinas  –  Nasa kamay na ng pulis-Maynila ang pangalan ng taong umano’y nagpadala ng bomba na sumabog sa Quiapo nitong nakaraang Sabado na ikinamatay ng dalawa katao.

Bagama’t hindi pa inilabas ang pangalan ng sender, iniimbestigahan na umano nila ang pangalan na nakasaad sa log ng Grab.

Matatandaang napatay ang driver ng Grab na nagdeliver at ang tumanggap din ng package matapos itong sumabog bandang alas-6 ng hapon sa may Norzagaray Street, malapit sa Manila Golden Mosque.

Ang package ay nakapangalan sa isang Nasser Abinal, isang government tax officer na nakatalaga sa  Quiapo office of Muslim Cleric at pinaniniwalaang siya talagang target ng pag-atake.

Habang sinusuyod ng kapulisan ang lugar matapos ang pangyayari, sinundan muli ito ng pangalawang pagsabog bandang alas-8:30 malapit lang sa unang pinangyarihan ng krimen.

Samantala, napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na napick-up ng Grab driver na namatay ang package sa may bandang SM Manila bago ito idineliver sa address na nakasaad.

Pinaalalahanan naman ni Police Director Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang mga courier company na maging maingat sa pagtanggap ng mga package upang hindi magamit ang kanilang mga kompanya sa krimen.

“Dapat alam na siguro nila sinong nagpapadala ng package and of course, there should be a declaration already kung anong laman ng package. Probably, ipa-pack nila iyun right in front of an employee nila to make sure kung anong laman talaga ng package, especially iyung ganyang malalaki,” payo ng opisyal.