Pangulong Duterte hinamon si Alejano na magsampa ng panibagong reklamo sa ICC

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Matapos mabasura ang reklamong impeachment laban sa kaniya, hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Magdalo Rep. Gary Alejano na maghain ito ng panibagong reklamo sa International Criminal Court (ICC).

Sa ginawang pahayag ni Duterte nitong Lunes, sinabi nitong malaya umano si Alejano na dalhin ang kaniyang reklamo sa ICC sa The Hague, Netherlands kung saan mayroon nang nakasampang kaso laban sa Pangulo.

“He can go ahead. He’s free to do it. This is a democracy,” wika ni Duterte na kagagaling lamang mula sa tatlong araw na biyahe sa China.

Si Alejano ang nagsampa ng impeachment complaint sa Mababang Kapulungan na agad namang nabasura ng mga mambabatas dahil umano sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.

Iginiit din ni Duterte na ilang beses na siyang inimbestigahan dahil umano sa kaniyang paglabag sa karapatang pantao subalit walang nangyari.

“I was investigated by the human rights… I was investigated again when (Leila De Lima) was justice secretary. I was investigated again by the Senate and I was investigated again by the House,” wika ni Duterte.

“Some guys are being taken for a ride a thousand times over,” dagdag pa nito.

Tinawag din ni Duterte na kalokohan ang mga akusasyon ng umano’y extrajudicial killings noong siya ay nanunungkulan pa bilang alkalde ng Davao City.